Babala sa “Vacation Scam”, paalala ng PNP sa mga bakasyonista
Kamakailan lamang ay naglabas ng babala ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas hinggil sa mga tinatawag na “vacation scams” kung saan nagtala ng pagtaas sa mga kaso ng travel accommodation o tour scams.
Ayon sa datos mula sa PNP Anti-Cybercrime Group (ACG), tumaas sa 313 na kaso ng vacation scams noong nakaraang taon kumpara sa 91 insidente noong 2022 at mula Enero hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon ay may 35 na kaso na ang naitala.
Ayon sa ACG ang vacation scams ay information and communications technology-enabled crimes kung saan nagpapanggap ang mga suspek bilang lehitimong establisyemento at nag-aalok ng mura na accommodation at natutuklasan lamang ng mga biktima na hindi totoo ang kanilang mga reservation kapag sila ay dumating na sa kanilang destinasyon.
Ayon naman kay spokesperson ng PNP, Police Colonel Jean Fajardo, ang mga kaso ng vacation scam ay patuloy na dumarami sa gitna ng tinatawag na revenge travel habang mas maraming tao ang nagnanais na lumabas matapos ang mga paghihigpit dahil sa pandemya ng COVID.
Dito naman ay pinayuhan ni PCol Fajardo ang publiko na makipag-transaksyon lamang sa awtorisadong travel agencies upang maiwasang maging biktima.
Sinabi niya na ang mga online post na nag-aalok ng murang tour packages ay dapat maging isang babala sa mga bakasyonista.
“They say that if it’s too good to be true, probably it’s not true,” dagdag pa ni PCol Fajardo.