Mahigit 300 katao, nabigyan ng libreng serbisyo medikal
Nabigyan ng libreng serbisyo-medikal ang nasa 341 katao sa isinagawang Outreach Program ng Aparri Provincial Hospital na ginanap sa Aparri East National High School, nitong Sabado, ika-27 ng Abril 2024.
Layunin ng naturang programa na magbigay ng libreng serbisyong medikal sa mga residente na nakatira sa mga liblib na mga barangay sa nasabing bayan, lalo na sa mga lubos na nangangailangan na pinangunahan ni Dra. Diana Rhea Garde, Chief of hospital ng Aparri Provincial Hospital.
Lima ang napiling barangay na nabigyan ng naturang serbisyo na kinabibilangan ng Barangay Maura, San Antonio, Paddaya, Gaddang, at Dodan.
Batay naman sa datos ng ospital, umabot sa 96 ang tumanggap ng libreng check-up, 86 ang matagumpay na nabunutan ng ngipin, 25 sa surgical (circumcision, excision of mass), 87 sa eye check-up, 18 sa pedia consult, 19 sa OB consult, at 10 sa ear, nose, and throat (ENT) consultation.
Samantala, nakatanggap din ang mga dumalo ng libreng gamot at mga bitamina at laking pasasalamat ng mga residenteng nabigyan ng naturang serbisyong medikal kung saan ito ay pagpapakita ng pagsuporta sa Bagong Pilipinas Campaign ng administrasyon na tinaguriang “Bagong Pilipinas sa Barangay”.
Source: Cagayan Provincial Information Office