Forum at symposium para sa kabataan, isinagawa sa Munisipalidad ng Bacnotan, La Union

Bilang kulminasyon ng selebrasyon ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT), nagsagawa ng forum at symposium para sa mga kabataan ang Munisipalidad ng Bacnotan sa pangunguna nina Mayor Divine Fontanilla at Vice Mayor Francis Fontanilla sa Bacnotan Farmers’ Park and Civic Center nito lamang ika-8 ng Hulyo 2024.

Binigyang diin ni Mayor Divine Fontanilla ang mahalagang papel ng kabataan sa paghubog ng mas maayos at maunlad na komunidad. “Hinihikayat ko kayong mga kabataan na aktibong makilahok sa mga ganitong aktibidad at hikayatin ninyo ang mga kapwa niyo na makiisa sa mga aktibidad na nakatutulong sa pagsugpo sa ilegal na droga para mapanatili natin na drug cleared ang ating bayan,” saad ni Mayor Divine.

Nagbahagi naman ng mensahe si Vice Mayor Francis Fontanilla, kung saan hinamon niya ang mga kabataang-lider na magpasa ng mga programang makapagpapalakas sa kabataan. “Sa mga Sangguniang Kabataan, maglaan kayo ng pondo para sa programa kontra droga, gamitin ninyo ng maayos ang inyong pondo,” saad ni VM Francis.

Hinimok naman ni Ms. Alona Lyn V. Garcia, Municipal Local Government Operations Officer ng DILG, ang mga kabataan na patuloy na magtulungan upang mapanatili ang Bacnotan bilang drug cleared Municipality.

Nagbahagi naman ng kaalaman si PCMS Eva Rala tungkol sa mga uri ng droga at masasamang epekto nito sa lipunan. Sinundan ito ng diskusyon ni Municipal Nutrition Action Officer Mr. John Philip Gabriel na nagtalakay kung paano nakakaapekto ang droga sa kalusugan ng tao at hinikayat naman ni Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Staff Edmar Sumulong na magboluntaryo sa mga aktibidad ng munisipyo upang mas lumawak pa ang karanasan at upang makatulong sa patuloy na paghataw ng Bacnotan.

Nagkaroon din ng mga palaro ang Local Youth Development Council (LYDC) na ginagabayan ni Municipal Local Youth Development Officer Jandel Buccat. Ang mga palaro ay naging daan upang makilala ng mga kabataan ang isa’t isa at magkaroon ng mas matibay pang samahan ang mga kabataan.

Samantala, nangangako naman ang mga namumuno sa Munisipalidad ng Bacnotan na patuloy silang magsasagawa ng mga programa at aktibidad kung saan nakapokus ito sa ikakaunlad ng kanilang nasasakupan.

Source: Bacnotan, La Union

Panulat ni Sane Mind

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *