Kabataan Iwas Droga (KID) Kumusta Kabataan Project: Isang hakbang tungo sa mas maliwanag na kinabukasan

Matagumpay na isinagawa ang “Kabataan Iwas Droga (KID) Kumusta Kabataan Project” sa pamumuno ni SK Federation President Loverly V. Bernabe na ginanap sa sa Barangay Tanaytay, Alaminos City, Pangasinan noong Setyembre 27, 2024.

Layunin ng proyektong ito na itaas ang kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga masamang epekto ng ilegal na droga.

Ang mga pangunahing tagapagsalita ng programa ay mga kapulisan mula sa Alaminos City Police Station na nagbigay ng mahahalagang impormasyon at gabay ukol sa mga panganib ng droga at mga programang anti-krimen tulad ng Oplan PARE o Programs for Anti-Rape.

Pinangunahan ni City Mayor Arth Bryan C. Celeste, na kinatawan ng City Councilor Dahlia De Leon, at ni City Vice Mayor Jan Marionne R. Fontelera, ang pagkilala sa kahalagahan ng mga inisyatibang tulad nito sa pagsugpo sa droga at krimen sa kanilang komunidad.

Kasama rin sa programa ang mga lokal na lider at barangay officials na nagbigay ng kanilang suporta sa makabuluhang layunin ng proyekto. Sa pamamagitan ng proyektong ito, hindi lamang napalakas ang kaalaman ng kabataan, kundi naipakita rin ang kolektibong pagsisikap ng pamahalaan at mga barangay upang lumikha ng isang mas ligtas at mas maliwanag na kinabukasan.

Ang inisyatibang ito ay tugma sa adhikain ng Bagong Pilipinas, kung saan ang bawat kabataan ay binibigyan ng pagkakataon at kaalaman upang maging aktibong kalahok sa pagpapabuti ng komunidad at pagbuo ng mas makabago at responsableng lipunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *