Orientation at Roll-Out Seminar para sa Pagpapalakas ng Barangay Anti-Drug Abuse Council, isinigawa sa Polanco
Aktibong nakilahok ang mga residente ng Poblacion North, Polanco sa isingawang Orientation and Roll-Out Seminar para sa pagpapalakas ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) noong Hunyo 05, 2025, bandang ala-1 ng hapon na ginanap sa Multi-Purpose Hall ng Poblacion North, Polanco.
Dumalo sa aktibidad ang mga punong barangay at mga kalihim mula sa lahat ng barangay sa nasabing bayan katuwang ang Polanco Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Captain Gwyn Celestino, Officer-in-Charge.
Layunin ng seminar na palawakin ang kaalaman, kapasidad, at kahandaan ng mga lokal na BADAC sa pagtugon sa mga usaping may kinalaman sa kampanya laban sa ilegal na droga.
Bahagi rin ito ng paghahanda ng bawat barangay para sa nalalapit na pagsusuri kaugnay ng Seal of Good Local Governance for Barangays (SGLGB), isang pambansang programa na kinikilala ang mahusay at matuwid na pamamahala ng mga lokal na pamahalaan.
Binigyang-diin ni Police Captain Celestino ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga barangay sa pagpapatupad ng mga polisiya laban sa droga, bilang katuwang ng Philippine National Police sa pagsisiguro ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad.