Barangay-Based Advocacy Group, nakiisa sa Tree Planting Activity sa Enrile, Cagayan

Nakiisa ang Barangay-Based Advocacy Group sa tree planting at tree growing activity sa Riverside Barangay Maracurru, Enrile, Cagayan bilang suporta sa “I Love Cagayan River Movement” at sa pagdiriwang ng Aggao Nac Cagayan noong ika-13 ng Hunyo 2025.
Katuwang ang mga tauhan ng Enrile Police Station, Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa pamamagitan ng Provincial Natural Resources and Environment Office (PNREO), mga kawani ng Lokal na Pamahalaan ng Enrile, mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Regional Mobile Force Battalion 2 na nagbigay naman ng seguridad sa aktibidad.
Kabuuang 450 punong kawayan ang itinanim sa nasabing lugar bilang bahagi ng adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapanumbalik ng kalusugan ng mga ilog at kapaligiran.
Layunin ng aktibidad na ito na palaganapin ang kaalaman at kamalayan tungkol sa kahalagahan ng pagtatanim at pangangalaga sa mga puno, bilang tugon sa lumalalang epekto ng climate change.

Bukod dito, pinalalakas din nito ang pakikipag-ugnayan at pagkakaisa sa pagitan ng iba’t ibang ahensya at miyembro ng komunidad para sa iisang layuning pangangalaga sa kalikasan.
Source: Enrile PCR