SOCCSKSARGEN Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center, nagsagawa ng Bloodletting Activity
Isinagawa ng SOCCSKSARGEN Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (SDATRC) – Laboratory Services Section ang kanilang taunang bloodletting activity katuwang ang Philippine Red Cross Gensan-Sarangani Chapter nito lamang June 26, 2025.
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa bilang bahagi ng kampanya sa pagpapalaganap ng kamalayang panlipunan ukol sa kahalagahan ng voluntary blood donation.
Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, layon ng SDATRC na makatulong sa pagdagdag ng suplay ng dugo na maaaring gamitin sa oras ng kagipitan—hindi lamang para sa mga pasyente ng ospital kundi para rin sa sinumang nangangailangan.
Sa ngalan ng Chief of Hospital III, Dra. Imelda K. Quiñones, MD, MAHA, FPMSG, taos-pusong ipinaabot ng pamunuan ang kanilang pasasalamat sa lahat ng mga voluntary blood donors.
“Maaaring hindi ninyo personal na makilala ang mga taong inyong natulungan, ngunit sa bawat donasyong inyong ginawa, may pamilyang huminga ng maluwag, may batang muling napangiti, at may kinabukasang nabigyan ng bagong pag-asa—dahil sa inyo,” pahayag ng pamunuan ng SDATRC.
