Adbokasiya kontra droga, pinalalakas ng Barangay Jugan sa Consolacion, Cebu

Bilang pakikiisa sa IDADAIT 2025 (International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking), nagsagawa ng Drug Awareness Symposium ang mga tauhan ng Consolacion Municipal Police Station noong Hunyo 26, 2025 sa Jugan Sports Center, Barangay Jugan, Consolacion, Cebu.

Pinangunahan ito ni PLtCol Eunil B. Avergonzado, Acting Chief of Police, katuwang ang mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Kapitan Tony Pepito. Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang mga miyembro ng Barangay Council, punong-guro, at mga guro ng Jugan Elementary School.

Layunin ng symposium na ito na mapalawak ang kaalaman ng mamamayan, lalo na ng kabataan, hinggil sa masamang epekto ng iligal na droga sa katawan, isipan, at kinabukasan.

Bukod dito, layunin din ng aktibidad na hikayatin ang buong komunidad na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagtutol sa lahat ng uri ng krimeng may kaugnayan sa droga.

Isa sa mga tampok na tagapagsalita si Dr. Fe Pardillo, Chief ng RHU-Consolacion, na nagbahagi naman ng makabuluhang talakayan ukol sa mga epekto ng teenage pregnancy. Tinalakay niya hindi lamang ang usaping pangkalusugan kundi pati na rin ang mga isyung panlipunan na kaakibat ng maagang pagbubuntis, na karaniwang nararanasan ng mga kabataan sa kasalukuyan.

Naging mahalagang bahagi rin ng symposium sina PCpl Judilla, PCR PNCO, at Pat Bilocura, Assistant PCR PNCO ng Consolacion MPS kung saan binigyang-diin nila ang kahalagahan ng pagkakaisa ng komunidad, tamang kaalaman, at aktibong partisipasyon ng kabataan upang mapuksa ang problema ng iligal na droga.

Ang gawaing ito ay patunay ng matatag na ugnayan ng Barangay Jugan at ng pamahalaan para sa layuning makabuo ng isang ligtas, disiplinado, at maalam na komunidad. Patuloy ang panawagan ng grupo sa lahat ng mga tagaroon na makiisa sa adbokasiyang ito para sa kinabukasan ng kabataan at ng buong bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *