IDADAIT 2025, isinagawa

Isinagawa ang International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) 2025 na ginanap sa Provincial Capitol Grounds, Ipil, Zamboanga Sibugay nito lamang ika-27 ng Hunyo 2025.
Ang nasabing aktibidad ay sama-samang inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) katuwang ang Zamboanga Sibugay Provincial Office.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang ahensya ng pambansa at lokal na pamahalaan, mga yunit ng kapulisan, mga institusyong pang-edukasyon, grupo ng kabataan, at iba pang stakeholders na nagsusulong ng adbokasiya para sa isang drug-free na lalawigan.
Binuksan ang selebrasyon sa pamamagitan ng “Fun Run/Walk Challenge”, kung saan kailangang tapusin ng mga kalahok ang isang interaktibong palaisipan bago makausad sa susunod na bahagi ng ruta.
Bawat istasyon ay may mga mind games na tumatalakay sa kamalayan hinggil sa droga at kahalagahan ng pakikilahok ng komunidad sa kampanya kontra droga.
Ang taunang pagdiriwang ng IDADAIT 2025 ay isang makapangyarihang paalala ng ating kolektibong pananagutan sa pagsugpo sa pang-aabuso sa ipinagbabawal na gamot at ilegal na kalakalan.
Sama-sama ding nagsayaw ang mga kalahok sa isang masigla at masayang Zumba session na naglalayong isulong ang kalusugan at mas aktibong pamumuhay.
Nagtapos ang programa sa isang pormal na seremonya kung saan ibinahagi ng mga opisyal at kinatawan ng mga partner agencies ang kanilang mga mensahe ng suporta at paninindigan sa laban kontra droga. Layunin ng programa na palalimin ang kamalayan ng publiko hinggil sa masamang epekto ng droga sa kalusugan, pamilya, at lipunan.

