Bayawan CPS, Nakilahok sa IDADAIT 2025
Lumahok ang mga tauhan ng Bayawan City Police Station sa pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) na may temang “The Evidence is Clear: Invest in Prevention.”
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng mga opisyal ng Barangay Banga sa pamumuno ni Punong Barangay Hon. Maximo R. Antipala at isinagawa sa Barangay Banga Covered Court, Bayawan City, noong ika-30 ng Hunyo 2025.

Sa nasabing programa, ipinaabot ng Bayawan CPS ang kanilang patuloy na pangako sa pagpapatibay ng kampanya laban sa paggamit at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Hinikayat nila ang komunidad na maging mapagmatyag at huwag matakot magsumbong sa mga awtoridad kung may nalalamang aktibidad na may kaugnayan sa droga sa kanilang lugar. Naniniwala ang kapulisan na ang aktibong partisipasyon ng mamamayan ay mahalagang sangkap sa matagumpay na pagsugpo sa krimen.
Binigyang-diin din ng kapulisan ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa bawat barangay, upang maprotektahan ang kabataan mula sa masamang epekto ng droga. Ayon sa kanila, ang edukasyon, tamang impormasyon, at tuloy-tuloy na kampanya sa barangay ay mga mabisang hakbang upang mapigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa komunidad.

Ang pakikilahok ng Bayawan CPS sa IDADAIT 2025 ay patunay ng kanilang malasakit at dedikasyon sa pagpapanatili ng ligtas at maayos na pamayanan. Sa tulong ng mga barangay opisyal at suporta ng mga residente, patuloy nilang isusulong ang adbokasiya para sa isang drug-free na komunidad.