Mga Estudyante ng Camp Vicente Integrated School, Bida sa Information Awareness Program ng RPCADU 4A
Masiglang nakiisa ang mga estudyante ng Camp Vicente Integrated School sa isinagawang Information Awareness Program nitong Miyerkules, ika-30 ng Hulyo 2025, sa Camp Vicente Integrated School Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna.
Ang aktibidad ay pinangunahan ni PCol Meldrid E. Patam, C, RPCADU 4A, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) at Pastor Junie Austero, MBK Philippines. Ito ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng pamunuan ng paaralan sa pangunguna ni Principal Mildred De Leon, kinatawan ni Mr. Lenin Rodriguez, Assistant Principal II.

Tinalakay sa mga mag-aaral ang iba’t ibang mahahalagang paksa gaya ng panganib ng ilegal na droga, banta ng terorismo, at ang kahalagahan ng disiplina, pananampalataya, at positibong pananaw sa buhay.
Nagbahagi ang PDEG ng impormasyon tungkol sa mga epekto ng droga at mga paraan upang ito’y maiwasan, habang inilatag naman ng RPCADU 4A ang mga palatandaan ng radikalisasyon at recruitment methods ng teroristang grupo.
Samantala, nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si Pastor Junie Austero sa kanyang paksa na “Being Successful in Life,” kung saan binigyang-diin niya ang tamang asal, pananampalataya, at disiplina bilang pundasyon ng tagumpay.

Lubos ang pasasalamat ng mga estudyante sa kaalamang kanilang natutunan, na tiyak na magiging gabay nila upang maging matalino, ligtas, at responsable sa kanilang komunidad.
Layunin ng programang ito na palakasin ang kaalaman at kamalayan ng kabataan upang maiwasan ang pagiging biktima ng masasamang elemento sa lipunan, at itaguyod ang kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Source: RPCADU 4A