National Drug Education Program (NDEP), isinagawa sa Ramon Duterte Memorial National High School sa Cebu City

Bilang bahagi ng National Drug Education Program (NDEP), matagumpay na naisagawa ng mga tauhan ng Guadalupe Police Station 9 sa pangunguna nina PMSG Yennie Ducay at PSSG Ronald Ancero, katuwang ang mga KKDAT Officers ng Barangay Guadalupe Chapter, ang isang 2-Day Anti-Illegal Drugs at Anti-Terrorism Symposium noong Hulyo 28 at 29, 2025 sa Ramon Duterte Memorial National High School sa Cebu City.
Tinalakay sa symposium ang mga psychological, physical, at social na epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ipinaliwanag din ang mga mapanlinlang na taktika ng mga teroristang grupo sa pagrerecruit ng kabataan, kabilang na ang paggamit ng social media at iba pang plataporma upang manipulahin at hikayatin ang mga kabataang madaling maimpluwensyahan.
Binibigyang-diin din sa mga diskusyon ang pangangailangan ng pagiging maalam at mapanuri sa mga impormasyon upang maiwasan ang pagkahulog sa maling landas.
Isinulong din sa symposium ang mahalagang papel ng kabataan bilang katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lipunan. Hinihikayat silang maging mapagmatyag, responsable, at aktibong mamamayan na tutulong sa pagsugpo ng kriminalidad at ekstremismo sa kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng edukasyon at tamang impormasyon, mas nagiging handa ang mga kabataan na labanan ang mga banta sa kanilang kinabukasan.
Ang inisyatibong ito ay patunay ng patuloy na pangako ng Philippine National Police na proactive at community-based policing. Layunin ng PNP na hindi lamang protektahan ang mamamayan, kundi bigyang-lakas din ang kabataan upang maging huwarang tagapagtaguyod ng kapayapaan at seguridad. Sama-sama nating itaguyod ang isang henerasyong mulat, mapagmatyag, at may malasakit sa bayan.