Bloodletting activity, inorganisa ng iba’t ibang ahensya sa Sara, Iloilo
Sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2025 na may temang “Donate Blood, Share Hope,” matagumpay na isinagawa ng Sara Municipal Police Station (Sara MPS) ang isang bloodletting activity, sa pangunguna ni PCPT Theodore Roosevelt B Saboy, Officer-in-Charge ng Sara MPS, nito lamang ika-3 ng Agosto 2025 sa Sara, Iloilo.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng adbokasiya ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) at naisakatuparan sa pamamagitan ng mahigpit na pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor at organisasyon.
Katuwang ng Sara MPS sa isinagawang aktibidad ang Philippine Red Cross, Iloilo Chapter, na siyang nangasiwa sa mga proseso at medikal na pangangailangan ng bloodletting upang matiyak na alinsunod ito sa mga pambansang pamantayan ng kalusugan.
Malaki rin ang naging suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Sara sa pamumuno ni Mayor Jon N. Aying, na patuloy na tumutulong sa mga inisyatibang makatutulong sa mamamayan.
Naging aktibo ring kalahok ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) mula sa iba’t ibang barangay, kasama ang mga miyembro ng KKDAT, barangay youth representatives, at mga Field Training Program (FTP) trainees na naka-assign sa Sara MPS.
Nagpakita rin ng suporta ang iba’t ibang civic groups at mga kasapi ng komunidad na boluntaryong nakiisa sa makabuluhang aktibidad.
Sa kabuuan, 23 na indibidwal ang matagumpay na nagbigay ng kanilang dugo bilang simbolo ng pag-asa at malasakit sa kapwa.
Umabot naman sa mahigit 100 katao ang dumalo sa aktibidad, na naging pagkakataon din upang palakasin ang ugnayan ng pulisya, kabataan, at iba pang sektor ng komunidad sa layuning mapalakas ang serbisyo para sa kalusugan ng bayan.
Lubos ang pasasalamat ng Sara MPS sa lahat ng nakiisa, mga blood donors, SK officials, barangay leaders, Red Cross personnel, trainees, at mga volunteers na naging bahagi ng matagumpay na bloodletting drive na tunay na nagpapakita ng diwa ng pagkakaisa at bayanihan para sa kapakanan ng nakararami.
Source: Sara MPS