Pribadong Sektor, Kaagapay sa Bayanihan: Tulong Hatid sa Barangay Bonuan Gueset

Sa gitna ng hagupit ng kalamidad, muling pinatunayan ng mga pribadong sektor na sila ay matibay na katuwang ng pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. Isa sa mga naging sentro ng bayanihan ang Barangay Bonuan Gueset kung saan mabilis na naipamahagi ang tulong sa mga residenteng apektado ng nagdaang bagyo nito lamang ika-3 ng Agusto, 2025.
Bumida sa relief efforts ang mga donasyong mula sa mga kilalang pribadong kumpanya: Pepsi-Cola Products Philippines, Inc., na nagkaloob ng Premier Purified Water, at ang International Pharmaceutical Incorporated, na nagbigay naman ng Bioderm Germicidal Soap.
Dagdag pa rito, mula sa personal na suporta ni Doc Ashok G. Vasandani, ibinahagi rin sa mga residente ang mga banig na malaking tulong sa pansamantalang pagtulog ng mga evacuees.

Hindi rin nagpahuli ang Department of Health (DOH) sa pakikipag-ugnayan, sa pamamagitan ng pamamahagi ng Family Hygiene Kits, kalakip ang maikling lecture mula sa City Health Office (CHO) ukol sa tamang paggamit ng Doxycycline, bilang proteksyon laban sa leptospirosis.
Sa pangunguna nina Mayor Belen T. Fernandez at Vice Mayor Bryan Michael Fernandez, katuwang ang mga opisyales ng lungsod at barangay, mga volunteer groups gaya ng Dagupan Boys Brotherhood, at mga ahensya tulad ng CDRRMO, Dagupan PNP, BFP, Philippine Coast Guard – Pangasinan, PNP Maritime Group, CMO, CHO, at City Nutrition Office — naging mabilis at maayos ang daloy ng ayuda sa komunidad.
Ang pagkakaisang ito ay patunay ng diwa ng bayanihan sa lungsod ng Dagupan, kung saan ang pribadong sektor ay hindi lamang tagamasid kundi aktibong kasama sa pagkilos. Sa panahon ng sakuna, tunay ngang walang maliit na ambag kung ito ay bukal sa puso at sabay-sabay na iniaalay para sa kapakanan ng nakararami.