Rotary Club of New Manila South, naghatid ng tulong sa mga biktima ng baha sa Mangaldan, Pangasinan

Sa gitna ng patuloy na pagbangon mula sa matinding pagbaha, muling ipinamalas ng Rotary Club of New Manila South ang diwa ng “Service Above Self” matapos itong mag-abot ng mga relief goods sa pamahalaang bayan ng Mangaldan upang maipamahagi sa mga naapektuhang barangay.

Personal na tinanggap ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno, isang aktibong Rotarian, ang nasabing donasyon mula kina Rtn. Hilda San Gabriel at Past President Cornelio De Guzman bilang kinatawan ng club president na si Atty. Aurelia Beatrice Santos. Ginanap ang maikling turnover ceremony nitong Sabado ng umaga, Agosto 2, sa Conference Room ng Presidencia de Mangaldan.

Kabilang sa mga donasyong ipamamahagi simula sa susunod na linggo ay mga sako ng bigas, de-latang pagkain, damit, at iba’t ibang grocery items na nakalaan para sa mga pamilya sa mabababang lugar na hanggang ngayon ay apektado pa rin ng epekto ng sunud-sunod na bagyo at habagat.

Nakiisa rin sa aktibidad sina Rossele San Gabriel, Presidente ng Rotaract Club of New Manila South, at Kalihim Harrel Evangelista, bilang patunay ng pakikiisa ng kabataang Rotarians sa misyon ng serbisyo publiko.

Kasunod ng aktibidad, nagkaroon din ng pagkakataon para sa fellowship ang mga miyembro ng Rotary Club of Mangaldan at ang mga panauhin mula New Manila South. Malugod silang tinanggap nina Rtn. Jovita Navarette at Rtn. Lalaine Galutira sa Grand Pavilion Hotel, kung saan tinalakay ang mga best practices at ang posibilidad ng isang sisterhood agreement upang mas palakasin pa ang mga proyekto para sa komunidad.

Patuloy ang nasabing grupo sa pagbibigay ng mga relief goods para sa mga barangay na matinding tinamaan ng Bagyong Crising, Dante, Emong, at ng habagat.

Source: PIO Mangaldan LGU

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *