BPATs, aktibong nakikipagtulungan sa mga eskwelahan ng Tuguegarao para sa Balik-Eskwela 2025
Aktibong nakikipagtulungan ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPATs) sa isinasagawang Police Assistance at traffic control operations sa mga paaralan ng Tuguegarao ngayong Agosto 5, 2025. Bahagi ito ng paghahanda para sa pagbabalik ng klase sa ilalim ng programang Balik Eskwela 2025.
Pinangunahan ng mga patroller na sina PCMS Sylvester Cabaddu Jr. at PCpl Joey Macababbad mula sa Tuguegarao Component City Police Station, katuwang ang mga kasapi ng BPATs ng Barangay Annafunan West, ang nasabing aktibidad. Isinagawa ang police at traffic assistance sa paligid ng Annafunan Integrated School sa Tuguegarao City upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang.

Kabilang sa mga detalyeng isinagawa ang pagbabantay sa mga drop-off points, pagtulong sa ligtas na pagtawid ng mga mag-aaral, at pagmo-monitor ng trapiko sa oras ng pasukan at uwian. Tiniyak din ng mga otoridad ang maayos na daloy ng sasakyan upang maiwasan ang anumang abala o sakuna sa paligid ng paaralan.
Layunin ng aktibidad na maagapan ang anumang insidente, mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, at tiyakin ang seguridad ng mga mag-aaral at guro sa kanilang pagbabalik-eskwela. Isa ito sa mga hakbang ng kapulisan at mga barangay-based partners upang maipakita ang suporta sa sektor ng edukasyon at makabuo ng ligtas na kapaligiran sa mga paaralan.
Source: Tuguegarao City Component Police Station