Community Dialogue ukol sa anti-drugs at 911 Emergency Response, isinagawa sa Angono, Rizal
Kaugnay sa kampanya laban sa ilegal na droga at paggamit ng 911 Emergency Hotline, nagsagawa ng community diaglogue ang mga tauhan ng Angono Municipal Police Station sa Municipal Compound ng Brgy. San Isidro, Angono, Rizal.
Ang naturang aktibidad ay inorganisa sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Angono sa pamumuno ni Ms. Luisita Vestra, bilang bahagi ng Capability Development and Orientation on Child Rights and Child Participation Guidelines. Layunin nitong kilalanin ang mga kabataan hindi lamang bilang benepisyaryo kundi bilang aktibong katuwang sa pamahalaan at sa pagpapaunlad ng komunidad.
Tinalakay ng kapulisan ng Angono ang mahahalagang probisyon ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 upang maipaabot sa mga kabataan at komunidad ang masamang epekto ng paggamit at pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot.
Bukod dito, ipinaliwanag din ang kahalagahan ng 911 Emergency Response bilang opisyal at maaasahang hotline ng bansa na nagsisiguro ng mabilis na tugon at proteksyon sa lahat ng mamamayan sa oras ng sakuna, aksidente, o anumang di kanais nais na insidente.
Ang nasabing aktibidad ay nagbigay ng dagdag-kaalaman at inspirasyon upang ang mga kabataan at mamamayan ng Angono ay maging mas responsable, mapanuri, at handang makiisa sa pagtataguyod ng ligtas at maayos na pamayanan.