Linggo ng Kabataan 2025, ipinagdiwang sa Barangay Gumarueng
Matagumpay na ipinagdiwang ang Linggo ng Kabataan 2025 na may temang “Kabataang Mapanuri, Responsableng Mamamayan: Kaalaman at Tulong, Gabay sa Kinabukasan.” sa Barangay Gumarueng, Piat Cagayan niyo lamang ika-17 ng Agosto, 2025.
Pinangunahan ng Sangguniang Kabataan ng Barangay Gumarueng, katuwang ang Piat Police Station sa pamumuno ni PCpt Leif Bernard Guya, Acting Chief of Police, Piat Police Station at ang Piat Municipal Agrarian Office, ang nasabing aktibidad.
Bilang bahagi ng programa, nagsagawa ang Piat Police ng lecture hinggil sa masasamang epekto ng ilegal na droga at kung paano ito maiiwasan. Nagkaroon din ng Gender Sensitivity Seminar na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pantay na pagtingin at respeto sa bawat kasarian.
Samantala, tinalakay naman ng Municipal Agrarian Office ang Ecological Solid Waste Management na nagturo ng wastong pamamahala ng basura bilang hakbang sa pangangalaga ng kalikasan.
Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kabataan upang maging mapanuri at responsableng mamamayan, gayundin ay hikayatin silang maging aktibong katuwang sa mga adbokasiya para sa kaayusan, kaligtasan, at kapaligiran.
Ipinahayag ng Piat Police Station ang kanilang buong suporta sa mga programa ng kabataan, alinsunod sa mandato ng Pambansang Pulisya na isulong ang kapayapaan at seguridad para sa lahat ng mamamayan tungo sa isang Bagong Pilipinas.
Source: Piat PS