‎Pagtutulungan ng PNP, SK, at komunidad, nagbigay saya sa mga kabataan sa Barbaza, Antique

0
viber_image_2025-08-22_18-08-17-660

Isang makulay at masayang umaga ang naganap sa Narirong Elementary School matapos ganapin ang 3rd League of School Supplies Distribution and Feeding Activity na naghatid ng tuwa at pag-asa sa 81 mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6, sa Brgy Narirong, Barbaza, Antique, nito lamang ika-20 ng Agosto 2025.

‎Ang matagumpay na aktibidad ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at lider ng komunidad.

‎Pinangunahan ito ng Barbaza Municipal Police Station sa pamumuno ni PCPT Allan S Alagos, Officer-in-Charge, katuwang ang Municipal Advisory Group (MAG) na pinamumunuan ni Pastor JC Herrera.

‎Hindi rin matatawaran ang partisipasyon ni SK Municipal Federation President Hon. Steve Ivan Palacios, na masigasig na sumusuporta sa mga programa para sa kabataan.

‎Malaking bahagi rin ng tagumpay ang pagkamabukas-palad ng mga sponsors, na sina Ms. Evelyn Buchheim mula USA at si Ms. Julijane Libres mula Boracay, na buong pusong nagpaabot ng tulong para sa paghahandog ng mga school supplies at feeding program.

‎Hindi lamang mga estudyante ang nakiisa, kundi maging ang mga magulang, guro, PTA officers, at Brgy. Officials na nagbigay ng kanilang suporta at pasasalamat.

‎Ang programa ay mas pinasaya ng mga parlor games, masiglang Zumba, at masarap na kainan ng arroz caldo at pandesal na sabay-sabay na tinikman ng mga mag-aaral at komunidad.

‎Sa kabuuan, ang pagtitipon ay hindi lamang simpleng pamamahagi ng gamit-pampaaralan, kundi isang malinaw na patunay na kapag nagkakaisa ang pulisya, pamahalaan, kabataan, at pribadong sektor, nagbubunga ito ng pag-asa, pangarap, at mas matibay na kinabukasan para sa mga kabataan ng Barbaza.

‎Source: Barbaza MPS FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *