Php1 Million Livelihood Budget, ipinagkaloob sa mga magsasaka ng Igbaras, Iloilo
Isang makabuluhang halimbawa ng pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ang isinagawang turnover ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na nagkakahalaga ng ₱1,280,000.00 para sa Brgy. Indaluyon Farmers Association nito lamang ika-26 ng Agosto 2025 sa Covered Court ng Brgy. Indaluyon, Igbaras, Iloilo.
Pinangunahan ni PCPT Danilo L Noca, Team Leader ng R-PSB Igbaras, ang maayos na pangangasiwa sa aktibidad katuwang ang DOLE Iloilo Field Office sa pamumuno ni Benigno C. Cabadon Jr., DILP Focal, kasama ang mga TUPAD Coordinators na sina Kelly Frances Santillan, Kristine Faith Misahaon, at Mubahar A. Hindiana.
Dumalo rin at buong pusong sumuporta sina Hon. Atty. Vicente E. Escorpion Jr., Municipal Mayor ng Igbaras, at SB Member Fatima Ebanen, kasama ang mga Barangay at SK Officials sa pangunguna ni Hon. Carlito Eclar, Punong Barangay ng Indaluyon.
Sa ngalan ng asosasyon, pormal namang tinanggap ni Mr. Enrico Eripol, Presidente ng Farmers Association, ang naturang pondo na nakalaan para sa iba’t ibang proyektong pangkabuhayan gaya ng rice mill, corn cracker, corn sheller, at trading operations.
Ang kolaborasyon ng PNP-RPSB, DOLE, LGU Igbaras, at Barangay Officials ay malinaw na patunay na kapag pinagbuklod ang malasakit ng pamahalaan, aktibong pakikilahok ng mga ahensya, at kooperasyon ng komunidad, nagbubunga ito ng konkretong oportunidad para sa pag-unlad ng agrikultura at kabuhayan ng mamamayan.
Sa huli, ang programang ito ay hindi lamang naghatid ng tulong pinansyal kundi nagbigay rin ng pag-asa, inspirasyon, at mas matibay na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga mamamayan—isang hakbang tungo sa kapayapaan at kaunlaran ng bayan ng Igbaras.
Source: RPSB Igbaras