Kabataan at Volunteers, Bida sa ‘PataC ng Dugo, PataC ng Pag-asa’ Bloodletting sa Calasiao

0
viber_image_2025-08-30_13-27-37-880

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Kabataan, matagumpay na idinaos ang bloodletting activity na tinaguriang “PataC ng Dugo, PataC ng Pag-asa” kahapon, Agosto 29, 2025 sa Calasiao Sports Complex.

Pinangunahan ito ng Sangguniang Kabataan ng Calasiao sa pamumuno ni SK Federation President Narayana Rsi Das S. Mesina at Hon. Patrick Agustin Caramat, Municipal Mayor ng nasabing bayan, katuwang ang Pangasinan Health Office.

Umabot sa 35 donor ang matagumpay na nakapagbigay ng dugo na itatabi sa blood bank upang magamit sa mga medical emergencies. Mahalaga itong reserba lalo na ngayong mataas ang kaso ng mga sakit gaya ng dengue.

Malaking bahagi ng tagumpay ng aktibidad ang aktibong partisipasyon ng mga kabataang mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan, mga youth organizations, ilang kawani ng LGU Calasiao, at mga walk-in donors. Binigyang-diin din ang volunteerism at malasakit ng kabataan, na siyang nagsilbing inspirasyon sa buong komunidad.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan ng Calasiao sa lahat ng nakiisa at naghandog ng oras at dugo.

Sa kabuuan, ang naturang bloodletting activity ay hindi lamang nagbigay ng agarang tulong-medikal, kundi nagpatibay rin ng diwa ng bayanihan at malasakit ng kabataan para sa kinabukasan ng kanilang komunidad.

Source: Calasiao Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *