Coastal Clean-up drive, isinagawa sa Calapan City
Sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakiisa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa isinagawang Coastal Clean up Drive sa Brgy. Lazareto Calapan City Oriental Mindoro nito lamang Setyembre 21, 2025
Bitbit ang temang “Clean Seas Against the Climate Crisis,” layunin ng taunang aktibidad na linisin ang mga baybayin, ilog, at dagat bilang tugon sa lumalalang problema ng marine litter. Ayon sa tala, mahigit 81,000 volunteers ang lumahok noong nakaraang taon at nakalikom ng higit 391,000 bag ng basura sa loob lamang ng isang araw—patunay ng sama-samang pagkilos ng mga Pilipino para sa kalikasan.
kabilang ang Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), Department of Education (DepEd), mga lokal na pamahalaan, civil society groups, at pribadong sektor sa pagdiriwang ng International Coastal Cleanup (ICC) 2025 na ginanap nitong ikatlong Sabado ng Setyembre. Lumahok din ang mga mag-aaral ng City College at ang Boy Scouts of the Philippines na nagsilbing dagdag na pwersa sa paglilinis at pangangalap ng basura sa mga dalampasigan.
Binigyang-diin ng pamahalaan na ang ICC ay hindi lamang simpleng paglilinis kundi bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa polusyon sa dagat at pagbabago ng klima, kasabay ng pagpapatupad ng mga batas tulad ng RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act) at RA 11898 (Extended Producer Responsibility Act), at ng National Plan of Action for Marine Litter na naglalayong makamit ang Zero Waste to Philippine Waters by 2040.
Hinihikayat din ang publiko na gawing panghabambuhay na gawain ang pangangalaga sa kapaligiran, hindi lamang tuwing ICC Day.
“Clean seas against the climate crisis—ito ang ating panawagan, ating pananagutan, at ating kolektibong aksyon para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon,” ayon sa DENR.
Source: RPCADU 4B