Dalampasigan ng Lucena, sama-samang nilinis ng mamamayan sa Coastal Clean-Up 2025
Bilang pakikiisa sa International Coastal Clean-Up Day 2025, sama-samang nilinis ng mga residente, volunteer groups, at mga kawani ng pamahalaan ang dalampasigan ng Brgy. Talao-Talao, Lucena City nito lamang Sabado, ika-20 ng Setyembre 2025.
Pinangunahan ng Quezon Police Provincial Office (PPO), katuwang ang lokal na pamahalaan at mga miyembro ng komunidad, ang nasabing Coastal Clean-Up Activity na naglalayong panatilihin ang kalinisan ng karagatan at paigtingin ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran.
Nagkaisa ang mga lumahok sa pangangalap ng mga basura tulad ng plastic, bote, styrofoam, at iba pang kalat na nagiging banta sa yamang-dagat at kalusugan ng kapaligiran. Ayon sa mga kalahok, ang aktibidad ay hindi lamang simpleng paglilinis kundi isang konkretong hakbang tungo sa mas malinis na komunidad at mas maayos na kinabukasan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga gawain, ipinapakita na patuloy ang pakikiisa sa layuning makabuo ng isang ligtas, malinis, at maunlad na pamayanan, kaakibat ang suporta at kooperasyon ng bawat Pilipino.
Source: Quezon Police Provincial Office