Mga mag-aaral sa Mandaue City, Cebu, nakiisa sa Symposium Activity
Nakiisa ang mga mag-aaral ng Mandaue Science High School at Senior High School sa Barangay Ibabao-Estancia sa Lungsod ng Mandaue, sa isinagawang Symposium Activity noong ika-24 ng Setyembre 2025.
Layunin ng naturang symposium ang pagpapalakas ng kamalayan ng mga kabataan sa pag-iwas sa iligal na droga.
Pinangunahan ang aktibidad ng mga tauhan ng Police Station 1 Mandaue City Police Office sa pamumuno ni Police Major Philip John D Libres, Station Commander.

Tinalakay sa symposium ang mga panganib at mapanirang epekto ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot, hindi lamang sa isang indibidwal kundi maging sa kanilang pamilya at lipunan.
Binigyang-diin din ng grupo na ang paggamit ng iligal na droga ay nagdudulot ng kapahamakan sa kalusugan, sumisira sa magandang kinabukasan ng kabataan, at nagiging ugat ng iba’t ibang suliranin sa komunidad.
Sa pamamagitan ng ganitong gawain, nais ng kapulisan na mapalakas ang kaalaman ng mga kabataan upang higit nilang mapahalagahan ang edukasyon at magkaroon ng kakayahang gumawa ng matalinong pasya.
Hinihikayat din nila ang mga estudyante na umiwas sa bisyo at sa paggamit ng droga, sa halip ay tumuon sa makabuluhang gawain na makakatulong sa kanilang personal na pag-unlad at sa ikabubuti ng lipunan.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na programa ng PNP laban sa iligal na droga, na nakatuon sa pagbibigay ng tamang impormasyon at paggabay sa kabataan. Ito rin ay kaakibat ng hangarin ng pamahalaan na makamit ang isang ligtas, disiplinado, at maunlad na pamayanan.