Aurora Police Station at LGU Aurora, Isabela, opisyal na idineklarang Drug-Free Workplace ng PDEA–Isabela
Bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng Philippine National Police laban sa banta ng ilegal na droga, ang Aurora Police Station sa pamumuno ni PMaj Samuel A Lopez, Hepe ng Aurora Police Station, katuwang ang Local Government Unit ng Aurora, Isabela, ay pormal na kinilala at idineklarang Drug-Free Workplace ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)–Isabela.
Isinagawa ang opisyal na deklarasyon dakong 1:00 ng hapon sa Manpower Development Building, Barangay Sta. Rosa, Aurora, Isabela, kung saan pinagtibay ang pangakong panatilihin ang isang ligtas at malinis na lugar ng trabaho mula sa impluwensiya ng ilegal na droga.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni PLtCol Jomar F Julian, Chief, PCADU; IA V Editha R Bunagan, Provincial Officer ng PDEA–Isabela; mga kawani ng LGU Aurora sa pamumuno ni Hon. Joseph Christian G Uy, Municipal Mayor; Ms Love Angel P Zinampan, MLGOO; gayundin ang mga Peace and Order Council (POC) ng mga barangay na pinamumunuan ni Hon. Pepito D Valenzuela Jr., LNB President.
Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe si PMaj Samuel A. Lopez, kung saan kaniyang ipinahayag ang pasasalamat sa lahat ng dumalo at binigyang-diin ang kahalagahan ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor sa pagpapanatili ng isang drug-free na lugar ng trabaho. Sinundan ito ng mensahe ni Hon. Joseph Christian G. Uy, na nagpahayag ng kanyang pagkilala at pasasalamat sa Aurora PNP at sa mga empleyado ng pamahalaan sa pagkamit ng naturang tagumpay.

Nagbigay rin ng mensahe si PLtCol Jomar F. Julian, C, PCADU, na kanyang inilahad na ang pagkilalang natamo ng Aurora PNP at LGU Aurora bilang Drug-Free Workplace ay bunga ng disiplinadong pagpapatupad ng mga umiiral na batas at ng patuloy na pagpapalakas ng mga programa kontra ilegal na droga.
Kasunod nito, naghatid ng mensahe si IA V Editha R. Bunagan, Provincial Officer ng PDEA Isabela Provincial Office, kung saan binigyang-diin niya na ang ganitong uri ng mga inisyatibo ay mahalagang salik sa pagpapanatili ng kaayusan at sa pagsulong ng pangmatagalang kaunlaran ng bayan ng Aurora, Isabela.
Bilang bahagi ng programa, isinagawa ang Ceremonial Unveiling of Drug-Free Workplace Signage sa pangunguna ni Ms. Love Angel P. Zinampan, na sinundan ng Signing of Pledge of Commitment ng mga dumalong opisyal at kawani. Pagkatapos nito ay ginanap ang pagkakaloob ng sertipiko sa pangunguna ni IO II Dennis M. Acosta, bilang patunay ng pagkilala sa isang malinis at ligtas na lugar ng hanapbuhay.

Layunin ng aktibidad na ito na higit pang maipabatid sa publiko ang adhikain ng pamahalaan na ipatupad ang mga probisyon ng Dangerous Drugs Board (DDB) Regulation No. 4, Series of 2021, na pinamagatang “Sustaining the Implementation of Barangay Drug Clearing Program (BDCP) and Repealing for Such Purpose Board Regulation No. 3, Series of 2017,” na nagsisilbing gabay sa pagpapanatili ng mga programang kontra ilegal na droga.
Sa huling bahagi ng programa, nagbigay rin ng mensahe si Hon. Romeo Torio, Municipal Vice Mayor, kung saan kanyang ipinahayag ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa lahat ng adbokasiya ng Aurora PNP tungo sa patuloy na paglaban sa ilegal na droga para sa isang ligtas, maayos, at mapayapang bayan ng Aurora, Isabela