PNP at BJMP, magkatuwang na isinagawa ang Joint Operation Greyhound at Drug Symposium sa Ifugao District Jail

0
viber_image_2026-01-11_15-55-33-946

Pinangunahan ng Kiangan Municipal Police Station (MPS), sa pakikipagtulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang Joint Operation Greyhound at Drug Symposium para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Ifugao District Jail (Tiger Hill) sa Barangay Ibulao, Baguinge, Kiangan, Ifugao noong Enero 9, 2026 bandang alas-9:00 ng umaga.

Sa pamumuno ni PLt Marjorie T. Dulnuan, Deputy Chief of Police for Administration ng Kiangan MPS, at sa suporta ng mga opisyal at tauhan ng BJMP, isinagawa ang Operation Greyhound upang higit pang palakasin ang seguridad sa loob ng pasilidad at maiwasan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando.

Kasabay ng operasyon, aktibong katuwang ang BJMP sa pagsasagawa ng Drug Symposium na naglalayong magbigay-kaalaman sa mga PDL hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga, kahalagahan ng rehabilitasyon, at ang halaga ng pamumuhay na malaya sa bisyo bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa muling pagbangon at pagbabalik sa lipunan.

Binigyang-diin ng PNP at BJMP na ang pinagsamang inisyatibo ay sumasalamin sa kanilang adbokasiya hindi lamang sa mahigpit na pagpapatupad ng batas kundi pati sa pagpapalaganap ng kamalayan, repormasyon, at positibong pagbabago sa asal ng mga PDL.

Ayon sa mga awtoridad, patuloy na palalakasin ng PNP at BJMP ang kanilang koordinasyon sa pagpapatupad ng mga programang nagtitiyak ng seguridad sa mga pasilidad ng kulungan habang sinusuportahan ang rehabilitasyon at kapakanan ng mga Persons Deprived of Liberty, alinsunod sa layunin ng pamahalaan para sa isang ligtas at drug-free na komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *