PNP at AFP, nagkaisa para sa cyber safety at pambansang soberanya

0
viber_image_2026-02-13_12-24-02-917

Nagpamalas ng matatag na pagkakaisa ang Philippine National Police (PNP) at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang makabuluhang aktibidad na naglalayong palakasin ang kamalayan ng kabataan hinggil sa cyber safety at pambansang soberanya. Isinagawa noong Pebrero 11, 2026 ang Lecture on Cyber Bullying sa Diadi Region National High School sa ilalim ng Police-Community Relations (PCR) program ng Cordon Municipal Police Station, na may temang “Responsableng paggamit ng teknolohiya, tungo sa ligtas na kabataan.”

Pinangunahan ni PSSg Jhoan L. Arizo, WCPD/FJGAD PNCO, ang talakayan tungkol sa lumalalang banta ng cyber bullying sa mga Kabataan na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mental health, tiwala sa sarili, at pakikisalamuha ng mga mag-aaral. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging mapanuri at responsable sa paggamit ng social media, chat groups, at iba pang digital platforms, kasabay ng panawagan na agad magsumbong sa mga guro o awtoridad kung makararanas ng ganitong pang-aabuso.

Samantala, nagbahagi naman ang AFP ng komprehensibong diskusyon hinggil sa kahalagahan ng West Philippine Sea sa pambansang seguridad, ekonomiya, at soberanya ng Pilipinas. Ipinaliwanag ang kasalukuyang kalagayan at ang paninindigan ng bansa batay sa international law, bilang bahagi ng pagpapalakas ng kamalayan at pagkakaisa ng mamamayan sa pagtatanggol ng pambansang interes.

Naging matagumpay ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd), Supreme Secondary Learner Government (SSLG), mga guro, at lokal na pamahalaan. Sa pamumuno ni Principal III Monaliza Balajo, muling pinatunayan na ang matibay na ugnayan ng pulisya at academe ay mahalaga sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa loob ng paaralan.

Ipinakita ng PNP at AFP na ang kanilang mandato ay hindi lamang nakatuon sa pagpapatupad ng batas at depensa ng teritoryo, kundi pati sa paghubog ng kabataang may disiplina, kamalayan, at malasakit sa bayan. Sa patuloy na pagsasagawa ng mga ganitong programa, pinatitibay ng mga ahensya ang kanilang pangako na maging katuwang ng komunidad sa paglikha ng ligtas, maayos, at makabayang lipunan.

Source: Cordon Valley Cops

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *