R-PSB Team at mga kabataan, nagsagawa ng youth empowerment activity sa Barangay Jolo
Matagumpay ang inilunsad ng RPSB Team na makabuluhang aktibidad para sa mga kabataan ng Barangay Jolo, katuwang ang mga SK Officials at mga miyembro ng KKDAT (Kabataan Kontra Droga at Terorismo), noong ika-17 ng Pebrero 2026 sa Barangay Jolo, Roxas, Palawan.
Layunin ng aktibidad na higit pang palakasin ang ugnayan ng kapulisan at kabataan, habang hinuhubog ang disiplina, pagkakaisa, at aktibong partisipasyon ng youth sector sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Sa pamamagitan ng serye ng mga palaro at team-building activities, naipakita ng mga kabataan ang kanilang sigla, talento, at kahandaan na maging positibong katuwang ng pamahalaan sa pagbuo ng isang ligtas at maunlad na barangay. Ang mga gawaing ito ay nagsilbing daan upang mapalalim ang samahan, respeto, at malasakit sa isa’t isa.
Bilang bahagi ng pagpapalawak ng kamalayan, nagkaroon din ng film viewing tampok ang Community Support Program Documentary na “Amistay Tagamantay.” Tinalakay dito ang kahalagahan ng pagkakaisa ng komunidad laban sa panlilinlang at mapanirang impluwensya ng mga Communist Terrorist Groups (CTGs) at iba pang banta sa seguridad. Sa pamamagitan ng panonood at talakayan, mas naunawaan ng mga kabataan ang kanilang mahalagang papel sa pagtatanggol ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang lugar.
Nagpahayag din ng matibay na paninindigan ang mga kabataan at KKDAT members sa pamamagitan ng isang indignation rally bilang pagtutol sa karahasang dulot ng CTGs at pagsuporta sa adhikain ng pamahalaan para sa pangmatagalang kapayapaan. Ipinakita ng aktibidad na ang kabataan ng Barangay Jolo ay hindi lamang tagamasid kundi aktibong kalahok sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa komunidad.
Sa pagtatapos ng programa, nagsagawa ng Prayer Rally at Candle Lighting Ceremony bilang pag-alala sa mga biktima ng karahasan at bilang simbolo ng pagkakaisa, pag-asa, at paninindigan laban sa anumang anyo ng terorismo. Sinundan ito ng simpleng salu-salo at pamamahagi ng meryenda bilang pasasalamat sa aktibong pakikilahok at suporta ng lahat ng dumalo.
Sa kabuuan, ipinamalas ng R-PSB Team, SK Officials, at KKDAT ang matatag na pagtutulungan sa paghuhubog ng isang mapayapa, nagkakaisa, at maunlad na Barangay Jolo. Patunay ito na sa pamamagitan ng malasakit, kooperasyon, at aktibong partisipasyon ng kabataan, mas napagtitibay ang pundasyon ng isang ligtas at progresibong Bagong Pilipinas.
Source: 2nd Palawan PMFC