TODA, katuwang sa paglaban sa droga sa Alaminos City
Aktibong nakiisa ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa isinagawang Anti-Drug Abuse Prevention Program ng Pamahalaang Lungsod ng Alaminos sa pangunguna ni Mayor Arth Bryan C. Celeste, na ginanap noong Hunyo 26, 2025 sa Conference Hall, City Hall Building, Alaminos City, Pangasinan.

Ang naturang programa ay bahagi ng pagdiriwang ng International Day Against Drug Abuse and Illicit Trafficking (IDADAIT) na may temang “The Evidence is Clear: Invest in Prevention – Break the Cycle.” Layunin nitong palalimin ang kaalaman ng mga miyembro ng TODA hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga at maipakita ang kahalagahan ng kanilang aktibong papel sa pagpapanatili ng isang maayos, ligtas, at maunlad na lungsod.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa ilalim ng Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Incentive Fund para sa taong 2024, sa tulong ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan kabilang ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Pangasinan, Alaminos City Police Station, Anti-Drug Abuse Council, City Planning and Development Office, at Transportation Regulation Unit.
Sa pamamagitan ng programang ito, pinatunayan ng sektor ng transportasyon na sila ay mahalagang katuwang ng pamahalaan sa kampanya kontra droga, at patuloy nilang isinusulong ang adbokasiyang bumuo ng isang ligtas na komunidad para sa lahat.
Source: LGU-Alaminos City, Pangasinan