PNP Antique at iba pang ahensya, namahagi ng tulong sa mga katutubo sa Antique

0
viber_image_2025-07-29_18-45-25-178

Isang makabuluhang araw ng pagtutulungan at pagmamalasakit ang isinagawa ng mga kapulisan ng Antique kabilang ang iba’t ibang mga stakeholders sa Brgy. Badiang, San Jose, Antique nito lamang ika-26 ng Hulyo 2025.

‎Isang Supplemental Feeding Program at Gift-giving Activity ang pinangunahan ng Antique Police Provincial Office katuwang ang Antique PNP Press Corps at LGU para sa mga miyembro ng komunidad ng katutubong Tumandok sa Antique. Tinatayang nasa mahigit 80 katutubong estudyante ang masayang tumanggap ng mga bagong bag na may lamang school supplies. ‎

Kasama rin sa mga regalong ipinamahagi ay mga tsinelas para sa mga bata at mga damit para sa kanilang mga magulang, mula sa donasyon ng mga pulis , lokal na pamahalaan at mamamahayag.

Nagbahagi rin ang kapulisan ng edukasyon hinggil sa “good touch” at “bad touch” sa mga magulang at kabataan, bilang bahagi ng kanilang adbokasiya sa kaligtasan at karapatang pambata.

‎Bago magsimula ang programa, sabay-sabay na tinikman ng lahat ang mainit at masarap na arroz caldo, na lalo pang nagpainit sa damdamin ng pagkakaisa.

‎Dumalo rin mismo sa programa sina Senador Loren Legarda at Congressman AA Legarda na namahagi ng 100 McDonald’s food packs sa mga estudyante.

‎Hindi rin nagpahuli ang kinatawan ni Governor Paolo Javier, si Gng. Diday Baquero Brugato, na namigay ng mga sako ng bigas para sa 53 pamilyang benepisyaryo.

Nagbigay inspirasyon sa mga dumalo si Antique PPO, Provincial Director, PCOL Leah Rose Peña sa kanyang talumpati, kung saan binigyang-diin niya na ang tagumpay ay para sa lahat, anuman ang pinagmulan o tribo.

‎Lalo pang pinasigla ang programa sa pagdating ni San Jose de Buenavista Mayor Elmer “PJ” Untaran, na nagpaabot ng mensahe ng suporta at pakikiisa.

‎Ang aktibidad ay bahagi ng koordinasyon sa iba pang mga ahensya ng gobyerno kaugnay sa pagdiriwang ika-30 Police Community Relations (PCR) Month.


‎Ang nasabing aktibidad ay nagpakita ng tunay na diwa ng Bayanihan, isang pamayanan na nagtutulungan tungo sa mas maayos, ligtas, at masayang kinabukasan para sa lahat, lalo na sa ating mga kapatid na katutubo.

‎Source: Antique PPO FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *