176 Kabahayan sa Jovellar, Albay, nakatanggap ng tulong mula sa mga awtoridad
Matagumpay ang isinagawang rice distribution ng mga tauhan ng 1st Albay Provincial Mobile Force Company R-PSB Team Mabini, sa pangunguna ni PMSg Dante D. Desacula at sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL JONATHAN S ALAYAN, Force Commander, para sa mga residente ng Barangay Mabini, Jovellar, Albay noong Agosto 2, 2025.
Sa pakikipagtulungan ng Barangay Council ng Brgy. Mabini, sa pamumuno ni Hon. PB Erwin Cadag Nasalita, Barangay Chairman, kasama ang mga Barangay Councilors, Barangay Health Workers (BHW), at Barangay Tanods, naipamahagi ang bigas sa 176 na kabahayan, kung saan bawat isa ay nakatanggap ng limang (5) kilo ng bigas.
Ang naturang mga bigas ay donasyon mula sa JT International, sa pamamagitan ng maagap na koordinasyon at pormal na kahilingan ng R-PSB Mabini Team at ng Barangay Council.
Ipinapakita ng inisyatibong ito ang tunay na diwa ng bayanihan at ang kahalagahan ng matibay na private-public partnerships sa pagbibigay ng tulong sa mga komunidad sa grassroots level.
Ang aktibidad ay bahagi ng adbokasiya ng R-PSB Mabini na isulong ang kapayapaan, kaayusan, at pag-unlad ng komunidad.
Sa gitna ng patuloy na hamon ng kahirapan at pagtaas ng gastusin sa araw-araw na pamumuhay, ang ganitong outreach program ay nagdudulot ng konkretong ginhawa sa mga pamilya at nagpapalakas ng kanilang pag-asa.
Lubos ang pasasalamat ng R-PSB Mabini Team, mga opisyal ng barangay, at mga benepisyaryo sa JT International sa kanilang patuloy na pagtitiwala, suporta, at bukas-palad na pagtulong.
Ang mga aktibidad na tulad nito ay hindi lamang nagbibigay ng kaginhawahan, kundi nagpapalalim din ng tiwala sa isa’t isa at nagpapatibay sa pagkakaisa ng sambayanan tungo sa isang mas mahabagin at responsableng lipunan.
Source: R-psb Mabini Jovellar Albay