PNP at Sangguniang Kabataan, nagkaisa sa selebrasyon ng Linggo ng Kabataan sa Sibalom, Antique
Isang matagumpay na pagtutulungan ang naisakatuparan sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Cabladan, sa pamumuno ni SK Chairwoman Ms. Shaira F. Nociete, kasabay ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan sa Brgy. Cabladan, Sibalom, Antique, nito lamang ika-16 ng Agosto, 2025.
Kaagapay ang R-PSB Team Antique na pinamumunuan ni PCpl Jonie D Cabantug, Asst. Team Leader, ang naturang gawain ay nagsilbing mahalagang pagkakataon upang ipakita ng kabataan ang kanilang galing, husay, at malasakit para sa komunidad.
Sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad, naipamalas ng mga kabataan ang kanilang talento at kasiglahan, kasabay ng pagpapatibay ng kanilang samahan at pagkakaisa.
Ipinakita rin ng Sangguniang Kabataan na sila ay handang maging tunay na katuwang sa pamumuno, hindi lamang sa mga programang pangkabataan, kundi maging sa pagpapaunlad ng buong barangay.
Binigyang-diin sa selebrasyon ang kahalagahan ng kabataan bilang haligi ng kinabukasan, at ang kanilang kakayahang maging mga lider na may malasakit, disiplina, at pananagutan.
Sa suporta ng R-PSB Team Antique, higit na nahikayat ang mga kabataan na maging inspirasyon sa kanilang kapwa, at magsilbing tagapagtaguyod ng positibong pagbabago sa lipunan.
Sa pagtataguyod ng Sangguniang Kabataan at sa pakikipag-ugnayan nito sa kapulisan, muling napatunayan na ang pagkakaisa ng pamayanan at kabataan ang susi tungo sa mas maunlad at mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
Source: RPSB Antique FB Page