CSO Conference 2025, dinaluhan ng 242 organisasyon sa San Fernando
Mahigit 242 Civil Society Organizations (CSOs) ang nagtipon sa idinaos na CSO Conference 2025 noong Agosto 13, 2025 sa Gregorio “Bunog” R. Hufano Session Hall, Marcos Building, sa lungsod na ito.
Sa pagbubukas ng programa, mainit na sinalubong ni Board Secretary V Lucia Esperanza O. Valero, na kumatawan kay Bise Alkalde Pablo C. Ortega, ang mga dumalo at tiniyak ang buong suporta ng Sangguniang Panlungsod para sa pagpapatibay ng kakayahan ng mga CSO.
Nagbigay rin ng mensahe si Mayor Hermenegildo A. Gualberto na nagpaalala sa kahalagahan ng partisipasyon ng mga CSO sa pamamahala. Aniya, “You are the life of democracy. Progress can only be real if it’s shared and leadership is only strong if it is with the people, of the people, and for the people.”
Ibinahagi naman ni City Planning and Development Coordinator Brix Caesar D. Cafuir ang kabuuang layunin ng kumperensya. Sinundan ito ng talakayan ukol sa accreditation ng CSOs at pagpili ng mga kinatawan sa Local Special Bodies na pinangunahan ni City Local Government Operations Officer Lily Ann O. Colisao.
Samantala, inilahad ni CSO Desk Officer Imelda B. Quindara ang mga nakatakdang aktibidad at programa para sa mga CSO sa susunod na mga buwan.
Bilang pagtatapos, nagbigay ng pasasalamat si Konsehal Nerissa Joy O. Almazan, Chairperson ng Komite sa Local and International Relations, at hinimok ang mga CSO na patuloy na maging tinig ng mga mamamayang walang boses at makipagtulungan sa pamahalaang lungsod para sa mas inklusibong kaunlaran.
Dumalo rin sa nasabing kumperensya sina Konsehal Kyle Marie Eufrosito Y. Nisce, Konsehal Mark Anthony A. Ducusin, at Konsehal Ramon F. Laudencia.
Source: City Government of San Fernando, La Union