Project Pristine Clean-up Drive, pinagtulungang isinakatuparan sa Boracay
Ipinakita ang tunay na diwa ng bayanihan sa kalikasan nang magsama-sama ang iba’t ibang ahensya at organisasyon sa matagumpay na pagsasagawa ng Project Pristine Coastal and Underwater Clean-Up Drive sa Barangay Balabag, Boracay Island, nito lamang ika-13 ng Setyembre 2025, bandang alas-6:50 ng umaga sa Boracay, Aklan.
Pinangunahan ng 2nd Aklan Provincial Mobile Force Company (PMFC), 2nd Maneuver Platoon sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Dennis Laurence Y Bautista, Acting Force Commander, ang aktibidad.
Higit sa lahat, naging matagumpay ang inisyatiba dahil sa masinsing pakikipagtulungan ng mga katuwang na sektor.

Kabilang dito ang Boracay Island Hopping Adventure Multi-purpose Cooperative (BIHA-MPC) na nagbigay ng mahalagang suporta at mga kagamitan para sa paglilinis, gayundin ang Barangay Waterworks and Sanitation Association (BWSA) na tumulong sa pagbibigay ng maayos at ligtas na pasilidad para sa mga kalahok.
Hindi rin matatawaran ang naging papel ng Philippine Coast Guard na nagsilbing pangunahing katuwang sa pagbabantay sa katubigan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng lumahok, habang ang Bureau of Fire Protection (BFP) ay nagbigay ng dagdag na seguridad at tulong gamit ang kanilang tauhan at kagamitan.
Sa sama-samang pagsisikap na ito, matagumpay na naisagawa ang paglilinis ng dalampasigan at ilalim ng dagat sa paligid ng Boracay, isang hakbang tungo sa pagpapanatili ng likas na yaman at kagandahan ng isla na tanyag sa buong mundo.
Ipinapakita ng nasabing aktibidad na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang tungkulin ng isang sektor kundi responsibilidad ng lahat.
Sa patuloy na pakikipag-ugnayan ng PNP sa iba’t ibang ahensya at organisasyon, higit na napapalakas ang adbokasiya para sa isang malinis, ligtas, at magandang kapaligiran para sa susunod na henerasyon.
Source: 2nd Aklan PMFC FB Page