PNP at mga sektor ng komunidad, nakibahagi sa tree planting sa pagdiriwang ng ikaapat na anibersaryo ng XFM Santiago
Nakibahagi ang kapulisan at iba’t ibang sektor ng komunidad sa isang makabuluhang tree planting activity bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-4 na anibersaryo ng XFM Santiago noong Marso 6, 2026 sa Barangay Santa Rosa, Santiago City. Layunin ng aktibidad na isulong ang pangangalaga sa kalikasan habang pinatitibay ang ugnayan ng pulisya at mamamayan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos para sa kapakanan ng kapaligiran.

Naging posible ang nasabing gawain sa tulong ng City Mobile Force Company (CMFC) ng Santiago City Police Office sa pangunguna ni PMaj Jayson Baldos, Force Commander, katuwang ang CENRO San Isidro. Ipinakita ng mga pulis ang kanilang patuloy na suporta sa mga programang pangkalikasan at pangkomunidad na naglalayong mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga opisyal ng Barangay Santa Rosa, mga miyembro ng Tau Gamma Phi, mga criminology intern mula sa Santiago City Colleges, KKDAT Santiago, mga guro at mag-aaral mula sa Santa Rosa Elementary School, at iba pang volunteers mula sa komunidad. Ang kanilang aktibong pakikilahok ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor para sa isang mas luntiang kapaligiran.

Sa kabuuan, humigit-kumulang 100 punla ng Narra ang matagumpay na naitanim sa bakanteng lote ng pamahalaang barangay ng Santa Rosa. Ayon sa mga organizer, ang simpleng hakbang na ito ay mahalagang ambag sa pangangalaga sa kalikasan at nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa ng pulisya at komunidad tungo sa mas ligtas, maayos, at mas luntiang kinabukasan.
Source: XFM 𝗦antiago