PRO CAR at mga ahensya ng pamahalaan, nakibahagi sa 109th Foundation Day at Abrenian Kawayan Festival 2026 sa Abra; Pinagtibay ang ugnayan para sa kapayapaan
Nakibahagi ang Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) sa pagdiriwang ng ika-109 na Foundation Day at Abrenian Kawayan Festival 2026 na ginanap sa Abra Sports Complex sa Bangued, Abra noong Marso 6, 2026, kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pambansa at lokal na pamahalaan. Ipinakita ng aktibidad ang matibay na ugnayan ng kapulisan, pamahalaan, at komunidad sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan.
Kinatawan ng PRO CAR sina Police Brigadier General Julio S. Lizardo, Deputy Regional Director for Administration; at Police Colonel Charles L. Domallig, Provincial Director ng Abra Police Provincial Office. Ang kanilang pagdalo ay sumasalamin sa patuloy na suporta ng Philippine National Police sa mga programang pinangungunahan ng lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGen Lizardo na ang mapayapang pagdiriwang ng taunang festival ay patunay ng pagkakaisa, malasakit, at kooperasyon ng bawat miyembro ng komunidad, katuwang ang mga ahensya ng pamahalaan at kapulisan.
Tampok din sa programa ang ceremonial declaration ng State of Stable Internal Peace and Security (SSIPS), kung saan lumagda ang mga dumalo sa Pledge of Commitment and Dedication to Peace and Progress. Kasabay nito, ipinagkaloob din ang mga kagamitang pansaka sa mga agrarian reform beneficiaries.
Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa naturang pagdiriwang, muling pinagtibay ng PRO CAR ang matibay nitong pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at komunidad upang higit pang mapalakas ang kapayapaan, seguridad, at napapanatiling pag-unlad sa buong rehiyon ng Cordillera.
Source: PRO CAR