Community Outreach Program, isinakatuparan sa Ilog, Negros Occidental
Sa isang makabuluhang araw para sa mga kabataan ng Sitio Balatoc, Barangay Balicotoc, Ilog, Negros Occidental, isinasagawa ang ikalawang yugto ng “Balik Eskwela 2026 Outreach Program” na sinusuportahan ng Junior Chamber International-CHICKS United (JCI) sa pamumuno ni Ms. Ely Eras, ang kanilang masigasig na Pangulo nito lamang June 8, 2026.
Kasama ang mga miyembro ng JCI, ang programang ito ay naging daan upang bigyang-halaga ang edukasyon at mabigyan ng kasangkapan ang mga batang dapat ay nag-aaral.
Katuwang ng JCI ang McDonald’s Kabankalan City, ang outreach na ito ay naglatag ng pag-asa at inspirasyon sa mga kabataan at kanilang pamilya, na sa kabila ng mga hamon, hindi sila nag-iisa.
Sa ilalim ng superbisyon ni PMAJ Randy P. Babor, Chief of Police (COP), si Ilog MPS DCOP, PCapt. Raffy Billones, ay nakipagtulungan upang matiyak na ang bawat bata ay makakatanggap ng mga kinakailangang kagamitan tulad ng school supplies, bags, toys, at balloons.
Bilang bonus, namahagi rin ang grupo ng mga masarap na pagkain mula sa McDonald’s na tunay na nagbigay ng saya at ngiti sa mga bata.
Ang mga inisyatibong tulad ng “Balik Eskwela 2026” ay hindi lamang nag-aalok ng mga materyal na bagay ito rin ay simbolo ng pang-unawa at pagkalinga ng komunidad sa kanilang mga kabataan. Ipinapakita nito ang halaga ng pagiging bukas-palad at pagkilos para sa ikabubuti ng bawat isa.
Ang bawat ngiti at pasasalamat mula sa mga bata ay patunay na ang mga ganitong proyekto ay may malalim na epekto at nagbubukas ng mga pinto para sa mga oportunidad sa hinaharap.
Ang dedikasyon ng JCI-CHICKS United at ng kanilang mga katuwang ay isang napakagandang halimbawa ng pagkilos tungo sa mas mabuting kinabukasan.
Ang kanilang pagsisikap ay nagsisilbing inspirasyon hindi lamang sa mga mamamayan ng Ilog kundi sa lahat ng mga indibidwal na nais magbigay ng serbisyo para sa ikabubuti ng ating mga kababayan.