Iba’t ibang ahensiya, nagkaisa sa Mangrove Tree Planting sa Sta. Ana

0
viber_image_2026-07-25_10-53-15-698

Matagumpay na isinagawa ang Mangrove Tree Planting Activity sa Sitio Punti, Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan noong Hulyo 21, 2026, kung saan 3,000 mangrove propagules ang sama-samang naitanim bilang bahagi ng mga hakbang sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalakas ng katatagan ng mga baybaying komunidad laban sa epekto ng climate change.

Pinangunahan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Municipal Agriculture Office (MAO) ang nasabing aktibidad na aktibong nilahukan ng 4th Mobile Force Platoon, 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (CPMFC) sa pangunguna ni PCMS Anatoly Viloria, PCR PNCO, katuwang ang Sta. Ana Municipal Police Station, PNP Maritime Group, Philippine Navy, Philippine Marine Corps, Local Government Unit ng Sta. Ana, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coast Guard (PCG), mga opisyal ng barangay, at iba’t ibang non-government organizations (NGOs).

Sa naturang aktibidad, sama-samang nagtanim ang mga kalahok ng 3,000 mangrove propagules na magsisilbing natural na panangga laban sa coastal erosion at storm surge, habang nagbibigay ng mahalagang tirahan sa iba’t ibang uri ng yamang-dagat. Bahagi rin ito ng patuloy na kampanya upang mapangalagaan ang marine ecosystem, mapanatili ang biodiversity, at higit pang mapalawak ang kamalayan ng komunidad sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at pangangalaga sa kapaligiran.

Layunin ng aktibidad na higit pang patatagin ang pagtutulungan ng kapulisan, mga ahensya ng pamahalaan, at iba pang katuwang sa pagsusulong ng mga programang pangkalikasan at disaster resilience. Kaakibat nito ang patuloy na adhikain ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na makapag-ambag sa pagtataguyod ng isang ligtas, matatag, at luntiang pamayanan, bilang katuwang sa pagsusulong ng Bagong Pilipinas.

Source: 2nd Cagayan PMFC

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *