Saint Dominic School of Batanes, nanguna sa Nutri-Walk para sa kalusugan at pagkakaisa ng komunidad

0
viber_image_2026-08-04_12-29-57-281

Matagumpay na isinagawa ng Saint Dominic School of Batanes ang Nutri-Walk mula sa paaralan hanggang sa Vayang Rolling Hills bilang bahagi ng pagsusulong ng malusog na pamumuhay at aktibong pakikilahok ng komunidad noong Hulyo 31, 2026.

Nilahukan ang aktibidad ng mga tauhan ng Batanes Police Provincial Office (BPPO) at Batanes Provincial Mobile Force Platoon (PMFP), kasama ang mga mag-aaral, magulang, guro, at mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa naturang gawain, sama-samang naglakad ang mga kalahok mula sa paaralan patungong Vayang Rolling Hills bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang nagsusulong ng wastong nutrisyon, aktibong pamumuhay, at pagkakaisa ng komunidad. Naging pagkakataon din ito upang higit pang mapalakas ang ugnayan ng paaralan, kapulisan, iba pang ahensya ng pamahalaan, at ng publiko sa pamamagitan ng sama-samang pakikilahok sa isang makabuluhang aktibidad.

Layunin ng Nutri-Walk na hikayatin ang bawat mamamayan na isabuhay ang malusog na pamumuhay, palakasin ang pagkakaisa ng komunidad, at higit pang paigtingin ang police-community partnership sa pagtataguyod ng isang ligtas, malusog, at maunlad na pamayanan, bilang suporta sa adhikain ng Bagong Pilipinas.

Source: PNP Batanes PPO

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *