Moving the Youth Towards Peace and Development 2.0, isinagawa sa Besao, Mt. Province
Masayang nakilahok ang mga kabataan sa isinagawang Youth Empowerment na Moving the Youth Towards Peace and Development 2.0 na ginanap sa Tamboan National High School, Besao, Mountain Province nito lamang Nobyembre 10–12, 2023.
Ang aktibidad ay pinasimulan ng Mt. Province PNP katuwang ang LGU Besao kung saan nilahukan ng 49 na mga kabataan at estudante mula grade 7-11 ng nasabing paaralan.
Ang pagsasanay ay binuo ng mga talakayan sa mga paksa kabilang ang Youth Leadership, teenage pregnancy, responsableng paggamit ng social media, drug awareness, anti-radicalization, ang limang wika ng pag-ibig, ang 90/10 na prinsipyo ng buhay, kalusugan ng isip.
Tinalakay rin ang mga kasanayan tulad ng komunikasyon, paggawa ng magandang desisyon, positibong paninindigan, positibong pag-iisip, pagtatakda ng layunin, at pamamahala ng oras. Tampok rin ang mga aktibidad tulad ng slogan at guidon making, MYPD 2.0 Got Talent, team-building activities, at mga relihiyosong aktibidad tulad ng reflection at Sunday Mass kung saan napag-isipan ng mga kalahok ang kahalagahan ng pamilya, value formation, collaboration, teamwork, at personal na paglago sa kanilang kakayahan at abilidad.
Samantala, hinikayat ni Police Lieutenant Colonel Bernardo K Wong, Deputy Provincial Director for Operations ng Mt. Province PNP ang mga kabataang kalahok na isulong ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kakayahan sa pakikipagkapwa, pagsulong sa pagkakaunawaan, at pagtanggi sa karahasan at poot.
Kanya ding binigyang-diin ang kahalagahan ng mapayapang pamumuhay at ang papel na ginagampanan ng kabataan sa paghubog ng isang maayos na lipunan. Nangako naman ang pangunahing pandangal at tagapagsalita na si Ms. Melany E Timmango, Budget Officer ng Besao Local Government Unit na susuportahan ang mga aktibidad na may kinalaman sa empowerment ng mga kabataan at iba pang aktibidad. Inihayag niya ang paglalaan ng mga pondo upang matiyak na mas maraming kabataan ang magkakaroon ng pagkakataong lumahok sa mga programang nagtataguyod ng kapayapaan, kaunlaran, at personal na pag-unlad.