QCPD: Pinaiimbestigahan ang mga pulis na naka-assign sa House of Representatives
Pansamantala ng pinalitan ang mga pulis na inakusahang nasangkot sa bayolenteng pagpapaalis sa mga nagprotestang mag-aaral mula sa PUP nitong Martes, Pebrero 13, 2024 sa harap ng House of Representatives. Iyan ay alinsunod sa pahayag ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi kukunsintihin ang sinumang pulis na hindi tumalima sa Police Operating Procedures partikular na sa Civil Disturbance Management (CDM).
Ayon sa pamunuan ng Quezon City Police District, pina-iimbestigahan na nila sa pangunguna ng PNP Internal Affairs Service, ang naturang mga pulis na matatandaang dati ng nakatalaga sa HOR kung mayroong hindi nasunod sa POP at may nalabag na mga karapatang pantao lalo na sa mga kabataang mag-aaral.
Agarang pinatawag ni Police Brigadier General Red Maranan ang Commander ng Batasan Police Station upang bigyan ng karagdagang direktiba para mas mapaigting pa ang pagsasanay sa mga tauhan partikular na sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan lalong-lalo na sa pagpapatupad ng maximum tolerance sakaling magkaroong muli ng parehong kaganapan sa nasabing lugar.
Samantala, pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang bawat mamamayan sa buong bansa na makipagtulungan sa kanila, sakaling mayroong parehong kaganapan, para mas mapadali pa ang imbestigasyon lalo na sa layuning panatilihin ang kapayapaan at kaayusan na hindi binabalewala ang pagpapahalaga sa lahat ng mga karapatang pantao.