Mga mag-aaral, aktibong nakilahok sa Tree Planting Activity sa Nueva Ecija
Nakilahok ang mga mag-aaral ng Baloy National High School sa isinagawang Tree Planting Activity na ginanap sa Barangay Baloy, Cuyapo, Nueva Ecija nito lamang Miyerkules, ika- 11 ng Setyembre, 2024.
Ang naturang aktibidad ay inisyatibo ng Baloy National High School na nilahukan din ng mga tauhan ng Nueva Ecija 2nd Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni Police Captain Richard G. Fernando, Assistant Force Commander.
Tampok sa aktibidad ang pagtatanim ng mahigit 100 punla ng iba’t ibang uri ng punong-kahoy na makatutulong sa pagsugpo sa deforestation at pagbabawas ng carbon emissions.
Nagbigay rin ng kaalaman ang mga kapulisan ukol sa tamang pangangalaga ng mga puno, pagbibigay-halaga sa kalikasan, at mga hakbang na maaaring gawin ng bawat indibidwal upang makatulong sa pagpapabuti ng kapaligiran.
Layunin ng aktibidad na hindi lamang magtanim ng mga puno kundi maitanim din sa mga kabataan ang kamalayang pangkalikasan.
Ang mga mag-aaral ay hinihikayat na maging bahagi ng mga programa na nagtataguyod ng kalikasan, habang nakikilahok sa mga gawaing may positibong epekto sa kanilang komunidad at kapaligiran.