Project “BRIDGE”, tinalakay sa Youth Empowerment Dialogue
Pinangasiwaan ng SK Federation ang pagsasagawa ng Youth Empowerment Dialogue para talakayin ang Project “BRIDGE” na magbebenepisyo sa mga kabataan ng Roxas na ginanap sa Mayor’s Conference Hall, LGU Building, Bagumbayan, Roxas, Oriental Mindoro nito lamang Lunes, Pebrero 19, 2024.
Katuwang ng SK Federation ang mga Advisory Council, iba’t ibang Barangay Chairpersons ng Sangguniang Kabataan at mga tauhan mula sa Roxas Municipal Police Station sa pangunguna ni Police Captain Clyde B Kalyawen.
Ipinakilala sa mga delegado ang Project “BRIDGE” (Building Resilient and Inspired Youth to Develop Growth and Empowerment) na idinisenyo upang magbigay inspirasyon, pagyamanin ang personal at propesyonal na paglago, at pagbibigay kapangyarihan na harapin ng bawat kabataan sa Roxas ang mga hamon sa lipunan.
Ang proyektong ito ay maghahatid ng mga workshops, advocacy programs, skill-building sessions, at mga dayalogo sa komunidad na magbibigay pokus sa mga sumusunod: pag-iwas sa krimen, anumang pang-aabuso, pamamalakad o pag-uumpisa sa pagnenegosyo, pamumuno, digital literacy, at mental health awareness.
Ang pagpapatupad ng proyektong ito ay alinsunod sa mithiin ng ating pamahalaan na mabigyang kapangyarihan ang mga kabataan, bumuo ng katatagan, maging handa sa hamon ng buhay, patungo sa isang magandang kinabukasan.
Source: Roxas MPS OrMin PPO