BPAT’s Skills Enhancement Training, isinagawa
Aktibong dinaluhan ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team ng Barangay Guinobat ang isinagawang Skills Enhancement Training ng mga miyembro ng Tabaco City Police Station katuwang ang mga opisyales ng nasabing barangay sa pamumuno ni Punong Barangay Ruperto B Bongat Jr. sa Tabaco City, Albay nito lamang ika-24 ng Abril 2024.
Pinangunahan ni Police Captain Gerry B Cantes, Investigation Officer sa ilalim ng pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Jonathan P Lladoc, hepe ng Tabaco PNP kasama si Pastor Arnaldo F Brito, Community Adviser at mga Intern students ng Amando Cope College.
Tinalakay sa naturang pagsasanay ang Republic Act 9262, Katarungang Pambarangay at iba pang mga mahalagang paksa. Nagbigay din ng pagsasanay sa tamang paggamit ng baton, pag-aresto at kung paano maging isang First Responder kung sakaling magkaroon ng responde sa kanilang nasasakupan.
Bukod dito, sa pangunguna ni PCpl Romnick Bondoy, Best Practice PNCO ay isinagawa ang programa ng Tabaco PNP na “Baston para sa Maton” na kung saan ay namahagi ng mga posas at baton sa mga personahe ng barangay.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong makatulong at magbigay ng kasanayan sa mga miyembro ng Force Multipliers upang magkaroon sila ng kaalaman na kapaki-pakinabang sa kanilang tungkulin upang mas mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad na kanilang nasasakupan.
Photo Credit/Source: Tabaco City Police Station, Albay PPO
Panulat ni Brian