TESDA NCII Carpentry Training, inilunsad sa Capiz
Nagsagawa ang Technical Education And Skills Development Authority (TESDA)-Capiz ng 38-Day Carpentry Training with National Certification Level II (NC II) para sa 25 benepisyaryo na residente ng Barangay Garcia, Tapaz, Capiz nito lamang ika-14 ng Setyembre 2024.
Pinangunahan ni TESDA Provincial Director Rick M. Abraham, katuwang ang R-PSB Team Garcia, sa pamumuno ni PLt Jonathan Alano, Team Leader, kasama ang Dumalag Vocational-Technical School (DVTS) at ang pamahalaang lokal ng Tapaz sa pamumuno ni Hon. Mayor Roberto Palomar.
Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng Poverty Reduction, Livelihood, and Employment Cluster (PRLEC), na isa sa mga pangunahing layunin ng National Task Force to End Local Communist Armed (NTF-ELCAC) at Revitalized Pulis sa Barangay.
Layunin nito makabuo ng mga komunidad na may kakayahang tumayo sa sariling paa, maging produktibo, matatag, at mapanatili ang kabuhayan sa pamamagitan ng mga programang pangkaunlaran na tumutugon sa kanilang kultura at pangangailangan.
Kasama ang pagsasanay na ito sa Special Training for Employment Program (STEP) at EO 70, na tumutugon sa pangangailangan ng mga lokal na kasanayan at nagtataguyod ng pagkakaroon ng trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahalagang kakayahan sa mga trainees para sa kahandaan sa trabaho at pag-unlad ng kanilang mga komunidad. Patuloy ang TESDA at kapulisan sa paggawa ng ganitong programa dahil sa pamamagitan ng mga inisyatibang tulad ng TESDA NC II Carpentry Training, ang Barangay Garcia at ang kanilang mga residente ay nagiging mas handa at may kakayahang makibahagi sa mas malawak na pag-unlad ng komunidad, patungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
Source: RPSB Team Garcia – Tapaz, Capiz Panulat ni: Pat Ledilyn T Bansagon