KKDAT Natonin Chapter, nagsagawa ng Clean-up Drive
Nagsagawa ang mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo ng Clean-up Drive sa Barracks Gymnasium, Natonin, Mountain Province noong ika-22 ng Setyembre 2024. Ang nasabing grupo ay sama-sama at magkakatuwang na namulot ng basura sa loob at labas ng gymnasium.
Bukod pa rito, pinaghiwa-hiwalay din nila ng maayos ang mga nakolektang basura. Pinaalalahanan din ang publiko na itigil na ang pagtatapon ng basura sa mga daanan at kalsada at sundin ang tamang pagtatapon ng basura.
Layunin ng aktibidad na ito na tugunan hindi lamang ang problema sa basura sa komunidad kundi upang maipatupad at maipakita sa nasasakupan na maging responsable sa lipunan.
Hangad din ng aktibidad na suportahan ang programa ng pamahalaan na “Kalinga at Inisyatiba Para sa Malinis na Bayan” na nakatuon sa muling pagbuhay at pagpapanibago ng “bayanihan spirit” sa mga mamamayan sa pagsugpo sa solid waste upang maprotektahan at mapanatiling malinis ang kapaligiran.