Training of Trainers, nilahukan ng 23 na hepe ng Barangay Tanod
Naging matagumpay ang inilunsad na Tanod Academy, isang Training of Trainers na nilahukan ng 23 na aktibo at dedikadong Barangay Tanod mula sa Barangay 14, 15, at 16 ng San Miguel, Iloilo, kasama ang kanilang mga opisyal ng barangay na ginanap sa Covered Gym ng San Miguel, Iloilo, nito lamang ika-7 ng Oktubre 2024.
Layunin ng pagsasanay na ito na palakasin ang kanilang kaalaman, kasanayan, at kakayahan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. Naisakatuparan ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng San Miguel Municipal Police Station.
Binigyang-diin sa talakayan ang mga insidente ng krimen tulad ng pagnanakaw, panlilinlang, kaligtasan ng publiko, at ang pagtuturo ng batas tulad ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act), RA 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act), at RA 10666 (Children’s Safety on Motorcycles Act).
Kasama rin ang mga lokal na ordinansa ukol sa trapiko, at tinalakay din ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga Barangay Tanod.
Patuloy ang mga ahensya ng gobyerno sa pagbibigay ng ganitong mga hakbang upang magkaroon ng karagdagang kaalaman at kasanayan upang mapaigting ang programang pangkaunlaran at seguridad sa komunidad.