BPATs ng Casilagan, nangunguna sa pagsulong ng kapayapaan at kaayusan sa Nagbukel, Ilocos Sur
Patuloy na pinatutunayan ng mga Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATS) ng Barangay Casilagan sa kanilang mahalagang papel bilang katuwang ng kapulisan sa pagtataguyod ng ligtas, payapa, at maayos na komunidad.
Noong Hulyo 2, 2025, nagsagawa ng makabuluhang dayalogo ang mga tauhan ng Nagbukel Municipal Police Station, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Alberto B. Ramos Jr., Officer-in-Charge, kasama ang mga duty BPATS ng naturang barangay.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga isyung may kaugnayan sa seguridad ng komunidad tulad ng kampanya kontra iligal na droga, anti-terorismo, batas laban sa panggagahasa, at mga alituntunin ng Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children (VAWC).
Layunin ng programang ito na palalimin pa ang ugnayan ng PNP at mamamayan, sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga advocacy support groups tulad ng BPATS, upang masigurong ligtas ang bawat tahanan, paaralan, at pamayanan.
Sa patuloy na pag-angat ng antas ng pakikiisa mula sa mga advocacy groups, umaasa ang PNP na mas lalo pang magiging matatag ang ugnayan ng kapulisan at mamamayan tungo sa iisang layunin – ang isang ligtas at panatag na komunidad para sa lahat.
Source: Nagbukel Municipal Police Station, Ilocos Sur PPO