Sorsogon PPO 1st PMFC, nagsagawa ng Lecture at Practical Exercises sa mga Barangay Tanod ng Barangay Cabigaan, Guba
Nagsagawa ng lecture at practical exercises sa Handcuffing at Arresting Technique ang mga tauhan ng Sorsogon 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa mga Barangay Tanod ng Brgy. Cabigaan, Gubat, Sorsogon nitong ika-9 ng Hulyo 2025.
Layunin ng aktibidad na bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga barangay tanod sa tamang pamamaraan ng pag-aresto at paglalagay ng posas sa mga suspek, alinsunod sa umiiral na batas at karapatang pantao. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng mga tanod bilang katuwang ng pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Ibinahagi ng mga kawani ng PMFC ang tamang teknik sa paglapit sa suspek, paggamit ng puwersa kung kinakailangan, at ang maingat na pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng parehong tagapagpatupad ng batas at ng inaarestong indibidwal.

Sinundan ito ng praktikal na pagsasanay kung saan aktibong lumahok ang mga tanod upang maisabuhay ang kanilang natutunan.
Ang aktibidad ay bahagi ng pinaigting na community engagement ng PNP sa ilalim ng kanilang Barangayanihan Program, na naglalayong palakasin ang ugnayan sa pagitan ng pulisya at ng mamamayan.
Source: Sorsogon Firstpmfc Sorsogon Ppo