Outreach Program, pinagtulungang isinakatuparan sa Barangay Quipot, Janiuay Iloilo

Pinagtulungang isinakatuparan ang isang makabuluhang Community Outreach Program kasabay sa pagdiriwang ng ika-30th Police Community Relations (PCR) Month, sa pangunguna ng Regional Mobile Force Battalion 6 (RMFB6) sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Alexander R. Rosales, Officer-in-Charge noong Hulyo 12, 2025 sa Barangay Quipot, Janiuay, Iloilo.

Ang naturang aktibidad ay naging matagumpay sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong organisasyon, kabilang ang Janiuay Municipal Police Station, Battalion Advisory Group (BAG), Municipal Advisory Group (MAG), NAPOLCOM R6, CIS-SG Janiuay Chapter, Janiuay Strikers Football Club (JSFC), Janiuay Rural Health Unit, at ng Lokal na Pamahalaan ng Janiuay.

Ang pagtutulungan ng mga nabanggit na grupo ay nagsilbing mahalagang haligi sa pagkamit ng layunin ng programa, ang mapalakas ang ugnayan at tiwala ng mamamayan sa kapulisan.

Isinagawa ang outreach program upang maihatid ang mga pangunahing serbisyo sa komunidad at mapalaganap ang kaalaman sa mga mahahalagang batas at isyung panlipunan.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ay ang pamamahagi ng food packs, libreng tuli at gupit, at mga educational symposiums ukol sa RA 9262 (Violence Against Women and Children Act), RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997), at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Ang mga ito ay naglalayong tugunan ang agarang pangangailangan ng mga residente habang pinapalawak din ang kanilang kamalayan sa karapatan at batas.

Dumalo at nagbigay ng mensahe si PLTCOL Rosales na taos-pusong nagpasalamat sa mga sumuporta at katuwang na mga ahensya ng lipunan pati narin sa lahat ng lumahok sa programa.

Pinuri rin ni Hon. Paulino M. Parian, Mayor ng Janiuay, ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng kapakanan ng mga mamamayan.

Samantala, si Atty. Michelle Benitez-Yotoko ng NAPOLCOM 6 ay nanawagan sa publiko na patuloy na makiisa at maging aktibo sa pagsusulong ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at malasakit, muling pinagtibay ng aktibidad na ito na ang pagkakaisa ng pulisya at komunidad ang tunay na susi sa kapayapaan, kaayusan, at patuloy na pag-unlad ng bawat pamayanan.

Source: Mata sang Masa fb page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *